Friday, December 16, 2011

My Rail Transit Bloopers

Kakabasa ko lang ng post ni Yodz, kaya naalala ko ang mga bloopers ko sa LRT at MRT.  Bloopers kung English, katangahan kung Tagalog.


Wala pang MRT noong 1985.  LRT pa lang, at tokens pa ang gamit.  In na in ang "working students," kaya nakiuso na rin ako.  Batang-bata at gwapong-gwapo pa ako noon (talagang isiningit).  Server ako sa Shakey's noon sa Greenbelt sa Makati Avenue, tapat ng Landmark.  Wala pa ang Landmark noon.  Wala na rin ang Shakey's Greenbelt ngayon.  Sumasakay ako ng LRT galing Tayuman at bumababa ako sa Buendia Station.  One time na pagsakay ko ng LRT, di ko napansin na nakahawak pala ako sa hamba ng pinto.  Naipit yung mga daliri ko sa goma ng pinto nung sumara ang mga iyon.  Sobrang higpit pala non pag nakasara at hindi ko mahila ang kamay ko, kaya tiniis ko ang sakit hanggang next station.  Bumakat sa mga daliri ko yung goma ng pinto ng LRT. Akala ko nga e hindi na matatanggal yung mga bakat.  Feeling ko talaga noon e napaka-eng-eng ko.

Fast forward to 2001.  Kakabalik ko lang ng Manila pagkatapos mamalagi sa probinsiya namin sa Palawan (talagang isiningit din) ng anim na taon.  Pagbili ko ng token, card ang ibinigay sa akin.  Ipinasok ko sa slot, at pagsakay ko ng tren e tiningnan ko ng maige yung ticket.  Ang ganda.  Mag-iipon ako nito, sabi ko sa sarili ko.  Inilagay ko pa sa loob ng wallet ko.  Pagdating sa station, nagmamadali pa akong bumaba ng tren at diretso doon sa exit.  Kablag! Aruguy!  Bakit hindi umikot yung bakal?  Isa pa.  Kablag ulit. Aruguy ulit.  Ipasok ko daw yung ticket, sabi nung mamang kasunod ko.  Hiyang-hiya ako noon kasi feeling ko, siyanong-siyano ako, e sa Manila naman ako lumaki.

2008.  Sa Edsa Central ang work ko, kaya connecting na tren ang sakay ko.  From Tayuman, LRT hanggang EDSA, tapos MRT Taft papuntang Edsa Central.  Ganoon din ang pauwi.  Sa madaling salita, LRT-MRT ako papasok, MRT-LRT ako pauwi.  One evening na pauwi ako, e di sumakay ako ng MRT.  Tuwing sumasakay ako ng MRT sa umaga e natataon na yung nasa bandang kanan na tren ang nasasakyan ko papuntang Edsa Central.  Pag pauwi naman e sa kaliwa pumaparada.  One time na pabalik ako galing ng Edsa Central, tinambayan ko yung pintuan sa bandang kanan, para pag-park ng MRT sa Taft, makakalabas kaagad ako para mauna sa escalator. Ang kaso mo, nung bumukas at sumara yung pintong tinambayan ko sa Magallanes Station ay naipit yung likod ng barong ko sa pinto.  At pagdating ng Taft station, sa kanan pumarada yung tren, kaya yung pintuan ko e hindi bumukas.  Yung pinto sa kaliwa ang bumukas.  Patay.  Di ako makaalis. Sinubukan ko'ng hilahin yung barong pero parang mapupunit, kaya di ko na pinilit. Gusot mayaman yon e.  Ang ginawa ko e dedma.  Nagkunwari akong magra-round trip at hinintay kong makaalis ulit yung tren para sa Magallanes station ako bababa.  Ang kaso lang, maluwag pa ang mga upuan, at ako lang ang nakatayo.  Dedma. Pagdating sa Magallanes at sumakay ulit doon pabalik ng Taft.  Bakit ba hindi ko naisip na pwede rin pala pumarada sa kanan yung tren e dulo nga pala ang MRT Taft?  At mabuti na lang ay hindi last trip yung nasakyan ko, kundi ay baka sa MRT ako natulog...ng nakatayo.

Kung nahilo ka sa kwento ko, e, mas nahilo ako'ng magkwento.  At saka wag mo nang kwentahin ang edad ko.  Ang masasabi ko lang, isa ako sa mga pinakamatandang blogger dito sa Pilipinas.

1 comment:

  1. Naaalala ko pa, 5 pesos kada token sa LRT noon.

    Ngayon sa LRT o MRT, ang hirap pumasok na'ng naka'Polo, siksikan parati, tsk.

    ReplyDelete