Thursday, November 24, 2011
Kasambahay, Katulong, o Alila: Sino ang Kasama Mo sa Bahay?
Upang makita ang pagkakaiba sa kanila, ginamit ko ang mga salitang kasambahay, katulong, at alila. Makikita mo kung anong klase silang kasama sa bahay hindi lamang kung paano sila magtrabaho kundi kung paano sila ituring ng kanilang mga amo.
Kasambahay
Siya siguro ang pinakamapalad sa mga pumasok sa ganitong uri ng trabaho, dahil may mababait siyang mga amo. Halos kapamilya na ang turing sa kanya. Hindi naiiba ang kanyang pagkain sa kinakain ng kanyang mga amo. Mapapalad din ang kanyang mga amo dahil may malasakit siya sa pamilyang kanyang pinaglilikuran. Malamang, magmula teenager siya hanggang sa kanyang pagtanda ay iisang pamilya lang ang kanyang paglilingkuran. Isang katangian niya ay mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay. Pamilya na rin ang turing niya sa kanyang mga amo. At kadalasan din ay pinagmamalasakitan siya ng kanyang mga amo. Hindi sumasagi sa isipan niya na maghanap ng ibang mapapasukan dahil kuntento na siya sa kanyang kalagayan at masaya siya sa piling ng pamilyang pinaglilingkuran. Hindi rin sumasagi sa isipan ng kanyang amo na siya ay palitan dahil mahirap humanap ng mapagkakatiwalaan, at kadalasan ay kapamilya na rin ang turing sa kanya. Kahit pa may mag-offer sa kanya ng mas mataas na sahod, hindi niya iiwanan ang kanyang mga amo.
Katulong
Siya iyong nagtratrabaho lang. Pumasok siya sa ganitong uri ng trabaho para may kita. Trabaho, kita. Kadalasan, walang loyalty. Kung makakakita ng among mas mataas magpasahod ay lilipat ng pinagtatrabahuhan. Mas mababaw ang kanyang relasyon sa kanyang mga amo kaysa isang kasambahay. Siya ang klase ng kasama sa bahay na palaging napapalitan. Kung masungit ang amo, hahanap ng iba. Kung mababa ang suweldo, lilipat sa iba. Kadalasan, makikita mo siya sa agency. Kadalasan, palipat-lipat siya ng pinapasukan.
Alila
Siya iyong may among porke sinuswelduhan siya ay parang nabili na ang kanyang kaluluwa. Kadalasan, and pagkain niya ay iba sa kinakain ng kanyang mga amo. Kadalasan, left-overs. Kadalasan din, siya ay underpaid. Hindi siya pwedeng magpahinga. Hindi rin siya pwedeng makita ng amo na walang ginagawa. Kung minsan ay sinasaktan pa. Hindi tao ang turing sa kanya kundi isang bagay, isang makina, o isang hayop. Siya ang klase ng kasama sa bahay na nakakaawa. Siya rin ang klase na naghihiganti sa amo sa pamamagitan ng pagnanakaw, paninira, o kung hindi naman ay lalayas na lang kung hindi na makatiis.
Kung mayroon kang kasama sa bahay, ano siya sa tatlo? Paano mo siya ituring? Paano mo siya tratuhin? Babaguhin ko ang tanong. Anong klaseng amo ka sa iyong kasama sa bahay?
May isang klaseng kasama sa bahay na hindi ko nabanggit sa itaas. Ito ay ang
Magnanakaw
Hindi naman talaga siya katulong. Siya ay magnanakaw na papasok bilang katulong upang nakawan ang kanyang amo. Kung minsan ay miyembro siya ng sindikato. Hindi mo malalaman na siya ay magnanakaw kung hindi pa niya ginagawa ito. Kinukuha muna niya ang pagtitiwala ng amo bago niya isagawa ang kanyang binabalak. Kung minsan ay may napapahamak sa kanyang pinapasukan. Kung minsan naman ay may mga kasabwat pa siya para isakatuparan ang kanyang mga plano.
Paano ka makakaiwas sa magnanakaw? Garantiya ba na meron siyang ipakitang NBI clearance o police clearance para ikaw ay magtiwala sa kanya?
Bago ka kumuha ng bagong kasama sa bahay, kilalanin muna siyang maigi. Gaano siya kakilala ng nag-refer sa iyo? Gaano katagal na silang magkakilala? Mag-ingat sa mga nagpapanggap.
Mapalad ang aming pamilya dahil ang aming kasama sa bahay ay hindi kasambahay, katulong, o alila. Siya ang aming Manang. Matagal na siya sa amin. Simula pa sa kanyang pagkadalaga hanggang sa makapag-asawa, magkaroon ng pitong anak at mga apo. Masasabi kong mahal niya ang aming pamilya katulad ng pagmamahal niya sa kanyang sariling pamilya. Hindi lamang amo ang turing niya sa amin kundi para na rin niya kaming mga anak kung pagmalasakitan. Hindi na rin iba ang turing namin sa kanya. Sana makakita ka rin ng kagaya ni Manang.
Note: This article was submitted by me and was published in Definitely Filipino.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Kasambahay o kapatid. :) 5 years na ata namin kasama sa bahay si Girlie and for those years, we never treated her like she's different from us. Mom always reminds us (my brother) na Girlie is not a maid/katulong/alalay/alila. :)
ReplyDelete